Wednesday, March 18, 2009

EPISODE 1

Baka nga ang kailangan ko ay ang pagtanggap at hindi

pagpapanggap--pagtanggap na may mga bagay akong

hindi kayang magawa. Hindi naman siguro ito paraan ng

pagsuko pero isang paraan upang mas lalo ko pang

makilala ang sarili ko at maging mas magaan para sa akin

ang mga bagay.


Sabi ng isang mama sa akin, isang gabi, habang nag-

iinuman, "nakakasawa makinig sa mga angsts ng isang

tao. Una sa lahat, may angsts din ako at bakit pa ako

mag-aaksaya ng panahon sa mga angsts mo at ng iba

pa? Bakit, mas importante ba ang angsts mo kesa sa

angsts ko? Why should your angsts be better than my

angsts?" May punto siya. Sabagay ako rin naman, hindi ko

itatanggi na minsan ay nakakasawa na lang din mapag-

usapan ang mga angsts ko sa buhay at ng mga tao lalo

pa at kung sabay-sabay kayo na nagkukwento tungkol

dito. Hindi nakakatulong at mas lalo rin namang hindi

makakatulong kung sasabihin kong lagpas na ako sa

prosesong ito at ganap na akong malaya sa kasalukuyan.

Pero hindi pa ata talaga. Parang hindi pa nga?


Naiinggit ako sa mga taong alam na nila 'yung mga bagay

na nais nilang gawin sa buhay. 'Yung tipong alam na nila

kung saan sila pupunta at ano 'yung mga bagay na

gagawin nila upang makarating doon. Ganoon din ang

paghanga ko sa mga taong alam ang mga bagay na ayaw

nilang gawin o mas madalas ay 'yung tanggap na sa sarili

nila na may bagay talagang hindi na nila makakamit dahil

hindi ito importante at hindi nila kailangan, hindi ito ang

para sa kanila at hindi ito ang nakikita nilang gagawin nila

at makapagpapasaya sa kanila sa pangmatagalang

panahon. May iba rin namang tanggap na nila sa kanilang

sarili na, dahil sa conflict sa panahon, ay minabuti na lang

na talikuran na muna ang mga bagay na minsan nilang

minahal, kinahiligan at pinangarap ngunit alam pa rin sa

sarili nila na darating ang panahon na makakamit nila ito.


Naiinggit ako sa kanila hindi dahil sa hindi ko alam ang

mga bagay na ganito subalit dahil sa dati rin akong

ganito. Minsan ko na ring nasabi sa sarili ko na alam ko na

talaga ang gusto ko at may mga bagay talaga na

kailangan kong ipagpaliban sapagkat hindi siya akma sa

panahong kasalukuyan--maaaring baka sa mga susunod

na araw ay babalikan ko ang mga ito at makukuha ko rin.

Naiinggit ako sa kanila sapagkat tila hindi sila natinag at

tuluyan pa rin sa pagkamit ng nais nila.


Kung babalikan ko ang panahong nagsimula akong mag-

isip at aalalahanin ang pinagmulan ng dilemma ko ay

magiging unfair ako sa mga taong involved dahil baka

maisip nila na sila ang dahilan. Pangungunahan ko na sa

pamamagitan ng paghingi ng paumanhin sa inyo kung ito

ay magtutunog na paninisi subalit pipilitin ko ring maging

hindi. Sabi nga ng isang kaibigan ko, na minsan ring

dumaan sa ganitong phase at nagpakilala ng konsepto ng

"quarter-life" crisis (bagay na malay ko ba kung totoo,

pero sinakyan ko na rin dahil it encompassed the way I

was feeling back then), "minsan ay kailangan mong

maghanap ng isang tao, bagay o karanasan na maaring

sisihin dahil sa napagdaraanan mo para mas maging madali

sa iyo na matutunan kung paano ito tanggapin at

kalimutan upang makapagmove on pa sa buhay". Ganun

daw kasi ang ginawa niya. Nilinaw naman niya hindi

naman talaga upang magalit ka lang doon sa tao, bagay

at karanasang iyon ngunit upang mas lalo ko raw

maintindihan ang dahilan ng pinagdaraanan ko. Ganun nga

ba talaga iyon? Anyway...


Mayroon akong mentor mula noong high school. Teacher

namin siya noon sa English noong freshman year namin.

Magaling siya. Humanga ako sa kanya dahil sa galing niya

sa pagtuturo o dahil na rin siguro kasi siya 'yung una kong

naging teacher na lalake maliban sa mga scoutmasters

namin sa Boy Scout noong elementary. Liban dun,

mararamdaman mo sa kanya ang tiwala niya sa mga

estudyante na may potential at sasabihin niya iyon talaga

sa iyo, unless alam mo na agad na magaling ka. Naging

malapit ako sa kanya dahil gusto ko rin namang

samantalahin ang pagkakataon na makilala ko siya at

matuto upang madiskubre ko pa ang sarili ko at malaman

na rin kung may ibubuga nga ako. Sa tagal ng panahon ay

hindi lang tungkol sa mga gawain sa klase ang naituro

niya sa akin, bagkus ay mas malalim pa--tungkol sa

BUHAY.


Marami akong mga idolo sa buhay at siya ang unang tao

na naging idolo ko na malapit sa katotohanan (meaning eh

lagi mong nakikita at kilala mo talaga nang personal, hindi

'yung tipong malayo sa iyo at mababaw lamang ang

pagkakilala). Naibahagi niya ang tungkol sa buhay niya at

ng kanyang pamilya at ako naman ay ganun din. Naisip

kong isang malaking bagay ang maging kaibigan niya at

mas lalong malaking bagay ang pagbibigay niya ng tiwala

sa akin na pangangalagaan ko ang pagkakaibigang iyon.

Umabot sa punto na bumuo ako ng pangarap para sa

aking sarili at sa aking pamilya na kasama siya. Pinangako

ko na hindi ako gagawa ng anuman na maaring ikagalit

niya, na hindi rin ako magpapadala sa problema namin sa

pamilya. Inisip ko na buo na ang magiging pangarap ko at

malapit ko na itong makuha dahil sa tulong ng tiwala niya.


Naging sukatan ko si COACH (tawag ko sa kanya, hango

sa librong TUESDAYS WITH MORRIE) sa magiging

kasiyahan ko sa buhay na naging paksa rin ng maraming

tanong mula sa ilang matalik kong kaibigan, isa sa kanila

ay 'yung tinuring kong nakatatandang kapatid. Tanong

niya matapos ang isang kompetisyon noong fourth high

school ako, kung saan nakapag-uwi ako ng medalya na

binigay ko kay COACH, "bakit nakaangkla sa kanya ang

kaligayahan mo sa buhay?" Sabi ko na lang ay dahil

habang ginagawa ko ito ay masaya rin ako. Dahil na rin

marahil hangga't totoo ako sa aking pangako ay

matutupad ang pangarap ko. Marahil ito 'yung naging

simula ng paniniwala ko na kailangan lang ng isang tao

ang motivation at inspirasyon--isang bagay na totoo.

Madalas naming mapag-usapan ng kaibigan ko 'yun sa

ilang mga inuman namin (umiinom na ako nun pero hindi

pa naman ganoon kalakas, siguro) at paulit-ulit pa rin

naman ang pagsagot ko ng parehong dahilan. Hanggang

sa hindi na lang niya tinanong ulit o napagod na lang

siguro siya o ayaw na lang niya talagang itanong dahil 'di

rin niya talaga ma-gets. Kasabay nito ay ang patuloy

pang pagkakaibigan namin ni COACH at pangako sa isa't

isa na walang iwanan at magkukwentuhan pa rin tungkol

sa buhay-buhay at kung paanong mas makikilala pa namin

ang isa't isa sa mga darating pang panahon.


Graduation day namin. Masaya ang lahat dahil

nalampasan na namin ang isang bahagi ng buhay namin at

lahat kami ay handa nang humarap sa susunod. Batid ko

rin ang lungkot na tangan ng bawat isa sa amin sapagkat

may mga bagay na maiiwan at may mga pagkakaibigang

mami-miss. Ako na yata ang pinakamasayang tao noong

araw na iyon sapagkat dumalo si COACH at tinupad ang

pangako niya na darating siya sa graduation namin (hindi

kasi daw talaga siya nagpupunta sa graduation at

kinagulat rin ng ilang mga teachers ang pagdalo niya).

Naisip ko kung paanong may pagpapahalaga ako sa mga

turo niya ay mayroon din siyang pagpapahalaga sa mga

pinagkasunduan namin--bagay na mas nagpaigting ng

paniniwala ko na magkakatotoo ang mga pangarap ko.


Dumating ang kolehiyo. Naging abala ako sa mga bagay

sa eskwelahan pero hindi pa rin nakaligtaan ang

pangangamusta kay COACH. Dumadalaw pa rin kami sa

alma mater namin at binibisita ang mga kaibigan at mga

teachers namin dati. Minsan ay hindi ko rin naman

naaabutan si COACH. Naging madalang ang pagdalaw ko

sa kanya hanggang sa nalaman ko na lang nagkasakit siya

ng kanser. 'Di ko alam noon kung gaano na kalubha 'yung

karamdaman niya pero 'di maalis sa akin ang pag-aalala.

Pilit ko pa ring dinalaw siya kahit sa bahay nila (naka-

leave na siya noon sa school) subalit ayaw daw nitong

paistorbo at nagpapahinga. Lalo tuloy akong nag-alala.

Dumaan din ang Pasko ng taong iyon at nais ko sana

bigyan siya ng libro (TUESDAYS WITH MORRIE) dahil

nabasa raw na niya iyon pero gusto pa rin niya ulit ng

kopya na naipangako ko namang gagawin ko subalit may

isang dahilan lang na kinatakutan ko upang hindi tuparin

ang pangakong iyon.


Isang bagay ang ma-miss mo ang isang tao at makausap

ito pagkatapos ng mahabang panahon at iba naman ang

hindi ka makabalita sa kaibigang matagal mo nang hindi

nakikita at mag-aalala para sa kalagayan niya.


Matapos siguro ang ilang buwan at ilang serye ng

gamutan ay nakabalik din si COACH sa pagtuturo.

Naabutan ko pa nga siya ulit sa eskwelahan noon at ang

una niyang sinabi ay "O, buhay pa ako!" Nakakatawa na

nakakabadtrip 'yung pagbati niyang iyon.


'Di na rin nagtagal nagpaalam na si COACH. Iyon ang

pinakamalungkot na araw sa buhay ko. Pakiramdam ko ay

nadaya ko. Nagalit ako sa kanya kasi parang iniwan niya

ako sa ere. Parang kinalimutan niya ang pangako na

magkukwentuhan pa kami nang mas matagal. Pakiramdam

ko ay nawala ang kalahati ng buhay ko. Naisip ko paano

na ito? Ano pa ang dahilan ko para magpatuloy? Parang

nawala ang matinding pagkapit ko sa pangarap ko at s

mga bagay na matindi ang paniniwala ko.


Ang buong isang linggo ng lamay niya sa kanilang

probinsya ay nasaksihan ko. Doon ko siya nakilala lalo.

Noon ko naintindihan ang sinabi niya, "Pasensiya ka na

kung 'di muna tayo iinom at magkukwentuhan ngayon,

hayaan mo pagkatapos nito magsasawa tayo sa alak at

mas makikilala mo ang ser mo." Masuwerte pala ako at

nakilala ko siya at natutunan kung gaano siya naging

dakila sa tingin ng iba at ng mga kababayan niya sa

kanilang probinsya.


Pilit kong inintindi ang mga bagay ngunit parang naging

madamot ako na tanggapin ang totoo. Mas nagpadaig ako

sa lungkot ng pagkawala ng isang matalik na kaibigan na

siyang naging pag-asa at inspirasyon ko. Nalimutan ko

ang pangarap ko kasabay ng tangka kong paglimot sa

sakit ng pagkawala ni COACH. Kinalimutan ko, na minsan,

ako ay nangako.


May limang taon na rin mula nang nangyari ang mga

bagay. Sinasabi ko rin sa sarili ko na natanggap ko na ang

lahat pero sa tuwing nakikita ko ang sarili ko ngayon ay

malamang na dinadaya ko ang aking sarili sa hindi ko pag

-amin ng totoo--nagpapanggap na nga lang siguro ako na

matatag ako...hanggang ngayon ay pinipilit kong muling

bumangon.

(itutuloy...)

No comments:

Post a Comment